14 Pinoy nawawala matapos sumalpok ang bangka sa Hong Kong cargo ship

Natagpuan ng PCG ang tumaob na F/V Liberty 5 nitong Linggo/ PHOTO FROM PHILIPPINE COAST GUARD

Patuloy na hinahanap ng mga kinauukulan ang 14 na Pilipino matapos makabangga ng kanilang bangkang pangisda ang isang Hong Kong cargo vessel sa karagatang sakop ng Mamburao, Occidental Mindoro, Linggo ng hapon.

Sa isang panayam, sinabi ng Irma Fishing & Trading Co., ang kompanya ng nawawalang F/V Liberty 5, na galing Mapun Island ang fishing boat at patungong Navotas Fish Port. Ngunit labis daw silang nagtangka nang hindi makipag-ugnayan ang kapitan na si Jose Alfonso sa lokasyon nito.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasalpok ng MV Vienna Wood-N, na lulan ang 20 katao, ang nasabing bangka.


Nagmula sa Subic, Zambales ang Hong Kong-registered bulk carrier vessel at papunta raw ng Australia nang maganap ang insidente.

Nang makatanggap ng “distress call” galing sa kapitan ng MV Vienna Wood-N, agad inilunsad ng PCG ang search and rescue operations upang galugarin ang katubigan subalit bigo silang makita ang mga nawawalang Pilipinong mangingisda.

Maging ang mga tauhan ng Philippine AirForce ay tumutulong na rin sa isinasagawang operasyon.

Sinuyod naman ng mga kawani ng Occidental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga lugar na malapit sa pinangyarihan ng bangaan.

Nakatakda naman ituloy ang search and rescue operations bukas ng umaga, Hunyo 30.

Facebook Comments