Naghahanap ng 15,000 mga participants ang pamahalaan para sa isasagawang solidarity trial na pangungunahan ng World Health Organization (WHO).
Layon nitong subukan ang dalawang bagong klase ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Sa Laging handa public press briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Philippine Center for Health Research and Development Executive director Dr. Jaime Montoya na ang mga gustong sumali ay dapat at least 16 years old, naninirahan sa lugar kung saan gagawin ang trials, hindi pa nababakunahan ng alinmang COVID-19 vaccines na ginagamit ngayon, at hindi tinamaan ng virus.
Ayon kay Montoya, mahalaga rin na magbigay sila ng informed consent na nagsasabing sila ay handang lumahok sa pagsusuri at hindi sila pinilit o napilitan.
Ani Montoya, isang study team ang susuri kung kwalipikadong sumali ang isang indibidwal kung saan kada linggo ay ipapa-follow up sila ng trial team sa loob ng isang taon.
Maliban sa Pilipinas, sinimulan na rin ng WHO ang recruitment sa mga piling lugar sa Mali at Colombia.