*Cauayan City, Isabela*- Ipinagkaloob sa mga mag aaral ng Cauayan East Central School mula Grade 1 hanggang Grade 5 ang may kabuuan na 1,630 na libro ng isang pribadong sektor na Junior Chamber International (San Juan Dambana) sa pakikipagtulungan ng Philippine Air Force Tactical Operations Group 2 sa Brgy. Villa Concepcion, Cauayan City, Isabela ngayong araw.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt.Col. Randy Buena, Commander ng Tactical Operations Group 2 na nakabase sa lungsod ng Cauayan, umaasa siya na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng mga libro sa iba pang mga paaralan dahil magkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng Philippine Air Force at JCI upang higit na makatulong sa mga mag aaral.
Hinikayat naman ni Buena ang mga mag aaral na higit pang pagbutihin ang kanilang pag aaral dahil kabataan aniya ang pag asa ng bayan.
Samantala, kinumpirma naman ni Ginoong Rohnie Rumbaoa, School Principal ng Cauayan East Central School na kakulangan sa silid-aralan ang isa pa nilang kailangan dahil ang mga kasalukuyang silid ay panahon pa ni dating pangulong Ferdinand Marcos kung kaya’t humiling na rin ang nasabing paaralan sa Department of Education sa pagpapatayo ng silid.
Umaasa naman si Ginoong Rumbaoa na bago matapos ang taong 2019 ay magkakaroon na ng Ground Breaking sa pagpapatayo ng pasilidad batay sa naging tugon ng DepED.
Nagpapasalamat naman si Rumbaoa dahil ang kanilang paaralan ang napili upang pagkalooban ng mga karagdagang libro mula sa JCI sa pakikipagtulungan ng Philippine Air Force.
Sa ngayon ay maayos naman ang kalagayan ng mga mag aaral sa paggamit ng mga silid-aralan sa nasabing paaralan.