
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakaligtas ang 17 Filipino seafarers sa pag-atake ng Houthi rebels habang naglalayag ang kanilang barko sa Red Sea malapit sa Hodeidah, Yemen nitong July 6, 2025.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, all accounted na ang Pinoy seafarers at dinala sila sa isang hotel sa Djibouti sa East Africa.
Kasama nilang nakaligtas ang Romanian master ng barko at isang Vietnamese chief engineer.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa manning agency para sa mabilis na repatriation ng 17 Filipino seafarers.
Base sa official report ng Crewcare, Inc., Licensed Manning Agency (LMA) ng Liberian flag vessel MV Magic Seas, ang barko ay nasa 51 nautical miles southwest ng Hodeidah, Yemen, nang atakehin ito ng Houthi rebels na armado ng automatic weapons at rocket propelled grenade.
Agad naman silang ginantihan ng security team ng barko na naging daan para makatakas ang mga crew at na-rescue ng dumadaan na container ship Safeen Prism.









