170-kg lalaking nagtago ng shabu sa pusod, arestado

Stock photo

FLORIDA, United States — Timbog ang isang lalaking may timbang na 172 kilo matapos madiskubreng nagtago ng shabu sa pusod, ayon sa pulisya.

Dinakip ang 41-anyos na si Martin Skelly mula St. Petersburg makaraang pumunta sa isang fast-food chain sa Clearwater na may dalang drogang nakasilid sa hiringgilya (syringe).

Nasabat ng awtoridad ang 28 gauge needle at inaresto si Skelly sa kasong possession of methamphetamine o shabu, ayon sa arrest affidavit na inilabas ng The Smoking Gun.


Bago dalhin sa Pinellas County Jail, tinanong ng awtoridad ang salarin kung may itinatago pang kontrabando–na itinanggi naman nito, ayon sa ulat.

Ngunit nang kapkapan na sa presinto, nadiskubre ng mga pulis ang isang maliit na pakete na may lamang 2.7 gramo ng shabu na nakasiksik umano sa pusod ni Skelly.

“I was just being dumb and not thinking,” pag-amin ng salarin.

Pinatawan ang lalaki ng dagdag na kasong kriminal na may pyansang $5,000 (nasa P250,000).

Facebook Comments