Cauayan City, Isabela- Nabiktima ng ‘text message’ scam ang isang estudyante mula Reina Mercedes, Isabela matapos itong makatanggap ng mensahe na nanalo umano siya ng P750,000.00.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay alyas Grace, 18-anyos, sa una ay hindi nito pinansin ang tawag mula sa ‘unknown number’ dahil nakagawian umano niya ang hindi pagsagot sa mga hindi kilalang numero.
Pero, dahil sa paulit-ulit na tawag ay napilitan na umano siyang sagutin ito hanggang sa sabihan siya ng isang nagpakilalang ‘Ruldal Lopis Dela Cruz’ na nanalo siya ng nasabing halaga ng pera.
Bago pa man i-claim ang halaga ng pera ay humingi ng pabor ang lalaki na padalhan sya ng load na P450.00 at P750.00 na kalauna’y ginawa naman ng dalaga.
Ayon pa sa biktima, hindi pa dito natapos ang transaksyon niya sa scammer dahil muli umano kinailangang magpadala ng pera dahil sa sinasabing processing fee na umabot sa kabuuang P6,850.00.
Hindi umano siya labis na nag-isip na ‘scam’ na pala ang nangyayari sa kanya dahil napaniwala umano siya na kilala ng suspek ang kanyang ina kaya’t nagtiwala umano siya.
Masakit para sa dalaga ang nangyari dahil inutang lamang nila ang P8,000 na ginamit sa transaksyon para makuha lamang ang nasabing malaking halaga ng pera na umano’y napanalunan niya.
Samantala, bagama’t nabiktima siya ay isang malaking aral umano para sa kanya ang nangyari na sana ay maging aral rin sa iba na iwasan ang magpaloko at alamin mabuti ang katransaksyon.
Naidulog na sa PNP Reina Mercedes ang isyu at kanilang panawagan sa publiko na huwag tangkilikin ang ganitong uri ng modus.