
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na iimbestigahan na nila ang mga pahayag ng 18 nagpakilalang sundalo kaugnay sa paghahatid umano nila ng male-maletang pera sa ilang opisyal ng gobyerno.
Sa ambush interview nang magtungo sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na inatasan na sila ng Office of the Ombudsman para imbestigahan ang mga alegasyon ng 18 nagpakilalang ex-marines.
Sabi ni Matibag, sila ang itinalagang pangunahing ahensya na mag-iimbestiga at sa ngayon ay nasimulan na raw ang inisyal na imbestigasyon na layong silipin parehas ang panig ng mga nag-aakusa at inaakusahan.
Plano rin ng NBI na ipatawag ang mga ito para hingan ng kaniya-kaniyang salaysay.
Ibinunyag ng 18 ang umano’y paghahatid ng maleta na naglalaman ng pera kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at sa mga dating mambabatas na sina Zaldy Co at Stella Quimbo.
Ayon sa abogado nilang si Atty. Levi Baligod, umabot ng mahigit P800 billion ang perang idineliver ng mga ito sa bahay nina Pangulong Marcos Jr., at Co habang idiniin ng 2 sundalo si Quimbo na tumanggap naman ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta.










