Cauayan City, Isabela- Patay ang labing siyam (19) na katao habang sugatan ang 22 iba pa matapos na mahulog sa bangin ang kanilang sinakyang Elf truck bandang alas 7:00 kagabi sa kahabaan ng Sitio Gassud, brgy Karikitan, Conner, Apayao.
Kinilala ang mga nasawi na sina Amparo Aberion, Domingo Asperela, Hermalina Dacuycuy, Pacita Dajucon, Mercy Gundan, Claro Mamauag, Mamerto Milo, Susan Milo, Ludalina Molina, Rosemarie Molina, Rudy Pagtama, Margie Pamittan, Leticia Patay, Conrado Sabatan, Reymundo Sosa, Brenda Talay, Imelda Talay at Jayson Talay na pawang mga residente ng Brgy. Lattut, Rizal, Cagayan.
Kabilang rin sa mga namatay ang SK Chairperson ng Brgy. Allangigan, Conner, Apayao na si Aida Battaliones.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Manuel Canipas Jr, hepe ng PNP Conner, Apayao, lumabas sa kanilang imbestigasyon na overload ang sasakyan kung saan sakay ang 43 na pasahero maliban sa mga binhi ng palay at mais na kinuha sa munisipyo ng Rizal na kaloob ng Department of Agriculture (DA).
Sa kanilang pagbalik mula sa naturang bayan, nang makarating sa matarik na bahagi ng daan sa Brgy. Karikkitan ay namatay ang makina ng elf truck na may plakang HRM 189 na minamaneho ni Maytofor Datul, 39 anyos.
Hindi umano nakayanan ang preno nito kaya’t bumulusok pababa hanggang sa tuluyang mahulog sa 20 metrong lalim ng bangin na sanhi ng kamatayan ng mga biktima.
Sa ngayon ay nasa maayos ng kondisyon ang labing isang sugatan na dinala sa Conner Dist. Hospital samantalang inilipat sa Cagayan Valley Med. Center ang sampu (10) na malubhang sugatan sa insidente.
Patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat ng PNP Conner kaugnay sa nangyaring trahedya.