Anim ang pinaniniwalaang patay habang dalawa ang nakaligtas sa pagguho ng pader sa isang construction site sa kasagsagan ng malakas na ulan kagabi sa Barangay Kaybagal Central, Tagaytay City.
Ayon sa Tagaytay City Police, alas 6:20 kagabi nang mangyari ang insidente habang nagpapahinga sa kanilang barracks ang walong construction worker.
Sa exclusive interview ng RMN Manila sa isa sa mga nakaligtas na si Engr. Marco Paulo, sinabi nito na dahil sa malakas na ulan, rumagasa ang putik na galing sa itaas at hindi kinaya ng sementadong pader ng Hortaleza Farm kaya gumuho.
Pinaniniwalaang patay na ang limang construction worker na natabunan ng lupa habang sa ospital na binawian ng buhay ang isa sa mga ito.
Sa ngayon ay pahirapan ang retrieval operation ng mga otoridad dahil lumambot na ang lupa sa lugar bunsod ng tuloy – tuloy na pag-ulan.