Online protest sa traffic violation, inilunsad ng MMDA

Inilunsad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang online protest sa mga traffic violation upang mas mapabilis at mapadali ang paghahain ng kanilang traffic adjudication.

Ayon kay MMDA Chairman Eng. Carlo Dimayuga, ang online protest o ang bagong online filing platform kung saan mas pinadali ang pag-contest o pag-apela ng natanggap na traffic citation ticket.

Pinaboran naman ni Congressman Bonifacio Bosita ng 1-Rider Party List ang hakbangin ng MMDA.


Ayon kay Bosita, hindi na mahihirapan ang mga motorista na aapela sa kanilang citation tikets dahil pwede ng gawing online ang kanilang mga protesta.

Ipinunto pa ni Bosita, ang karanasan ng ilang mga motorista na nagtutungo ng MMDA para maghain ng protesta subalit kadalasan ay pinababalik dahil kulang sa mga requirements.

Aniya, sa bagong sistema ng MMDA matapos ang paghain ng online protest tatlong araw lang ay malalaman na kung may schedule na ng hearing o wala.

Kinumpirma naman ng MMDA na kahit dagsain sila dahil sa isinagawang online protest kakayanin nilang hawakan ang hearing at magkakaroon sila ng dalawang karagdagang abugado.

Nilinaw naman ng MMDA na pansamantalang hindi muna kasama ang mga natikitan ng No Contact Apprehension Policy sa online protest dahil narin sa Temporary Restraining Order (TRO) nito ng Korte Suprema.

Facebook Comments