Pagbabago sa number coding scheme sa Metro Manila kapag nagbukas na ang mga klase sa Agosto, pag-aaralan ng MMDA

Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung dapat pang baguhin ang kasalukuyang number coding scheme sa Metro Manila sa pagbabalik-eskwela sa Agosto.

Inaasahan kasi ang pagdami ng mga sasakyang lalabas sa lansangan at dadami rin ang mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan dahil sa pagbabalik-eskwela ng mga bata.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MMDA Officer-in-Charge Director Baltazar Melgar, makikiramdam muna sila sa sitwasyon lalo na sa muling pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral at estudyante pagsapit ng Agosto.


Ayon kay Melgar, kapag talagang dumami pa ang bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada at nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko, pag-aaralan nila kung epektibo pa ang kasalukuyang number coding scheme o kailangan na itong baguhin saka nila idudulog sa Metro Manila Council para pag-usapan.

Sinabi ni Melgar, wala namang nadadagdag na kalsada sa Metro Manila kaya sa ngayon aniya ang kailangan nilang gawin ay ipagpatuloy lamang ang road clearing operations para matanggal ang mga obstruction sa daloy ng mga sasakyan lalo na sa mga alternate route.

Facebook Comments