2 Kalansay ng Hinihinalang Bangkay ng NPA, Nahukay ng mga Sundalo

Cauayan City, Isabela- Dalawang (2) kalansay ng pinaghihinalaang naagnas na bangkay ng mga NPA ang nadiskubre at nahukay kahapon, Setyembre 14, 2020 ng mga kasundaluhan ng 17th Infantry Battalion ng Phil. Army sa KM 16, Brgy Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.

Una rito, habang nagsasagawa ng patrolya sa nasabing lugar ang pinagsanib na pwersa ng 17IB, RMFB at PNP Baggao, isa umanong ordinaryong mamamayan ang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga bangkay na di umano ay basta na lamang inilibing ng mga armadong grupo noong nakaraang taong 2016.

Pinatotohanan din ang nasabing impormasyon ng mga dating rebelde na sumuko na sa pamahalaan at dating nag-ooperate sa naturang lugar.


Ang mga bangkay ay kasapi ng New Peoples Army o NPA sa ilalim ng Danilo Ben Command na nag-ooperate sa silangang bahagi ng Probinsya ng Cagayan at napatay sa engkwentro.

Matatandaan na noong nakalipas na Pebrero ng taong 2016 ay nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng PNP sa mismong lugar na kung saan natagpuan ang dalawang naagnas na bangkay na pinaniniwalaang nasawi sa nasabing engkwentro.

Ayon kay Lieutenant Colonel Angelo Saguiguit, Battalion Commander ng 17IB ang mga nahuhay na kalansay ng NPA ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng PNP at kasalukuyang inaalam ang mga pagkakakilanlan upang maipagbigay alam sa kanilang mga kaanak at mabigyan ng maayos na libing.

Dagdag pa nito, patunay lamang aniya na ang mga teroristang ito ay hindi pinahahalagahan ang kapakanan ng masa at hindi kinikilala ang karapatang-pantao ng sinuman at isa itong taktika nila upang walang makakaalam na sila ay nalagasan.

Kaugnay nito, nakahanda naman si Mayor Joan Dunuan ng bayan ng Baggao sa pagbibigay ng tulong para sa maayos na libing at tulong pinansyal sa mga kaanak ng mga biktima.

Facebook Comments