2 Katao, Timbog sa Anti-Illegal Logging Operation sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naaresto ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Lalawigan ng Cagayan dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Anti-Illegal logging Law kahapon, Marso 2, 2021.

Ang mga nahuli ay sina Lito Peralta, nasa hustong gulang residente ng Sitio Limbus, Brgy Rapuli, Sta Ana, Cagayan at Francisco Berdader, residente naman ng Brgy. Tanglagan, Gattaran, Cagayan.

Una rito, nagsanib pwersa ang Santa Ana Police Station, 4th MFP, 2nd Provincial Mobile Force Company, Casambalangan Patrol Base sa Santa Ana, Cagayan na nagresulta sa pagkakadakip ni Peralta.


Nakuha kay Peralta ang limampu’t pitong (57) piraso ng nalagareng kahoy na may iba’t ibang sukat.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa kamay ng mga alagad ng batas si Berdader ng pinagsanib pwersa ng Gattaran Police Station, 203rd MC, Regional Mobile Force Battallion 2, 2nd Platoon 2nd Provincial Mobile Force Company at 77 IB, PA matapos mahulihan ng tatlumpu’t piraso ng nalagareng G-melina na aabot sa humigit kumulang 1,565 board feet.

Ang mga naarestong suspek ay dinala sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong Paglabag sa PD 705 o Anti-Illegal logging Act.

Facebook Comments