Cauayan City, Isabela- Huli sa pangingikil ang dalawang kawani ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Cabagan sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela bandang 10:30 kaninang umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Diosdado Medrano, isang Maintenance man at residente ng Brgy. Luquili at si Antonio Aggabao, forester 1 at residente ng Brgy. Anao na kapwa taga bayan ng Cabagan, Isabela.
Ayon kay NBI Provincial Director Timoteo Rejano, inireklamo ng dalawang complainant ang pangingikil na ginagawa ng dalawang kasapi ng CENRO Cabagan nitong nakalipas na linggo hanggang sa nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI, hinihingan ng halagang P3,000 ng dalawang empleyado para sa permit to travel sa ibibiyaheng mga nabiling kahoy mula sa isang hardware na ang orihinal na travel fee ay P115.00 lang.
Nahaharap ang dalawang empleyado ng CENRO sa kasong extortion habang inihahanda na rin ang isasampang kasong administratibo laban sa kanila.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga pa rin ng NBI Isabela ang mga nahuling suspek.