2 Menor de Edad, Patay ng Mabangga ng Toyota Vios

Cauayan City, Isabela- Nagluluksa ngayon ang pamilya ng dalawang menor de edad makaraang maaksidente sa nangyaring banggaan ng kanilang sinasakyang tricycle at isang Toyota Vios sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Harana, Luna, Isabela.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jonathan Donato, 16-anyos at Mark Angelo Babaran, 17 anyos habang ang mga sugatan ay nakilalang sina Emil Bartolome, 17 anyos; Jay-Ar Mandac, 21 anyos; Jaymar Donato, 16 anyos; at Benedict Agustin, 17 anyos na siyang nagmamaneho sa naturang tricycle na kapwa mga residente ng Brgy. Canan, Cabatuan, Isabela.

Ayon kay PCapt. Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station, nakilala ang driver ng Toyota Vios na si Ricky Abad, 26-anyos, may-asawa, isang job controller kasama rin nito ang kanyang 2-anyos na anak na residente ng San Andres, bayan ng Cabatuan at at si John Eric Mendoza, 27 anyos na residente naman ng Mararique, San Manuel, Isabela.


Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo umano ang mga biktima sa isang handaan sa Brgy. Harana at bandang alas-11:00 ng gabi nitong huwebes, Disyembre 17 habang galing naman ang sasakyan ni Abad sa lungsod ng Cauayan.

Ayon pa kay Asuncion, biglaan ang pagsulpot ng mga sakay ng tricycle dahil walang ilaw ang kanilang minamaneho na sanhi ng pagbangga sa likurang bahagi nito ang sasakyan.

Sa tindi ng pagbangga, agad na tumilapon ang mga sakay ng tricycle sa daan dahilan para magtamo sila ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Wala namang tinamong pinsala sa katawan ang mga sakay ng kotse subalit minabuting magpasuri ni Abad sa pagamutan dahil sa paninikip ng dibdib.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Double Homicide, Physical Injury and Damage to Property si Abad.

Nagpaalala naman ang pulisya na ugaliing tiyakin ang pagmamaneho at siguruhing nasa maayos na kondisyon ang mga ginagamit na sasakyan.

Facebook Comments