Nahuli sa ikinasang counter terrorism operation ng Philippine National Police (PNP), militar at Philippine Coast Guard (PCG) ang isang lalaki na may koneksyon sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Isabela City, Basilan.
Sa ulat ni PNP Spokesperson Pol. Brig Gen. Ildebrandi Usana, ang naaresto ay kinilalang si Ranger Siason na naaresto ng tropa ng pamahalaan sa kanyang bahay sa Purok 1, Brgy. Aguada, Isabela City, Basilan.
Si Siason ayon kay Usana ay kabilang sa bumibili ng mga explosives at ammunition ng Abu Sayyaf Group.
Kabilang rin siya sa pangugulo ng ASG noong taong 2017 sa Barangay Tubigan, Maluso, Basilan na ikinasawi ng siyam na residente at pagkasunog ng ilang kabahayan.
Samantala sa hiwalay pang operasyon naaresto rin ng tropa ng pamahalaan ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group na si Munjiral Kabole dahil sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention.
Nahuli ito sa Barangay Saluping, Tabuan-Lasa, Basilan.
Si Kabole, na tauhan ni ASG lider Pasil Bayali, ay sangkot din sa mga pag-atake sa pulis at sundalo sa lalawigan ng Basilan.
Sa ngayon nasampahan na ng kasong kriminal si Siason habang ipiprisenta sa korte si Kabole.