Cauayan City, Isabela- Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling Act at paglabag sa ilang alituntunin sa ilalim ng General Community Quarantine ang anim (6) na katao na kinabibilangan ng dalawang (2) benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng pamahalaan matapos mahuli na nagsusugal sa Brgy. Ramos West, San Isidro, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Joel Bumanglag, hepe ng PNP San Isidro, ang dalawang SAP beneficiaries ay nakilalang sina Heherzon Martinez, 45 anyos at Nora Estranero, 56 anyos na kapwa residente rin ng Brgy. Ramos West ng naturang bayan.
Kasama din sa mga naaresto sa paglalaro ng ‘Tong-its’ ang apat pang kabarangay na sina Regelyn Ariola, 39 anyos, Marina Arenzana, 53 anyos, Emely Gardeda, 52 anyos, at Norma Sagauinit, 38 anyos.
Ayon kay PCapt. Bumanglag, naaktuhan ng mga pulis ang kumpulan ng mga suspek habang nagsusugal na walang suot na facemask sa dalawang magkahiwalay na lamesa.
Nakumpiska mula sa mga naaresto ang mga ginamit na baraha, pera na may kabuuang halaga na Php1,225.00, dalawang (2) lamesa, anim (6) na upuan, at dalawang (2) blanket.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw ang mga naaresto.