
Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na malinis sa anumang uri ng korapsyon ang aaprubahang 2026 National Budget ng Senado.
Ayon kay Sotto, handa nilang depensahan kapag may magtangkang magsingit ng mga kung ano-ano sa pambansang pondo lalo na sa Bicameral Conference Committee.
Sinisiguro ng Senate President na para mabantayang mabuti ang proseso ng pambansang pondo ito ay ila-livestreaming para masubaybayan ng publiko kung saan pati ang mga ilalagay na amyenda ay maririnig at kung sino ang proponent o nagpanukala nito.
Sinabi ni Sotto na siya man ay mayroong isusumiteng amendment at ito ay ang pagbibigay ng alokasyon para sa pagpapagawa ng bubong ng Laguna State University na tinatayang aabot ng P6 million.
Ipapasok niya ang amyenda sa Department of Public Works and Highways (DPWH) o sa Commission on Higher Education (CHED) pero kailangan may programa at may resolusyon bago ipasok ang naturang individual amendments.
Pinag-aaralan naman na gawing umaga at hapon ang debate sa budget matapos na maurong ang schedule dahil sa suspensyon sa pasok bunsod ng bagyo at ang pagbibigay daan sa pagpanaw ni dating Senate President Juan Ponce Enrile.









