3 Benepisyaryo ng SAP, Dinakip dahil sa Pagsusugal!

Cauayan City, Isabela- Tuluyang inaresto ang tatlong (3) katao na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) matapos na maaktuhang nagsusugal sa Brgy. Lapogan, Tumauini, Isabela.

Dinakip ng mga alagad ng batas sina Arnel Manalo, 29 taong gulang, Jolita Talosig, 63 taong gulang, at Valentino Allapitan, 45 taong gulang, pawang mga magsasaka at residente ng barangay Lapogan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, hepe ng PNP Tumauini, agad na nirespondehan ng kanyang himpilan ang nakatanggap na impormasyon mula sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa kasalukuyang pagtotong-its ng tatlong suspek.


Hindi na nakatakbo ang 3 suspek nang sila’y maabutan ng mga pulis kung saan narekober at nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang mga ginamit na baraha, lamesa, upuan at pera na halagang Php266.00.

Ayon pa kay PMaj. Gatan, kabilang ang tatlong nahuli sa mga nakatanggap ng cash assistance mula sa DSWD.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling) ang tatlong magsasaka.

Facebook Comments