Cauayan City, Isabela- Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional field office 2 matapos bumaligtad ang kanilang sinasakyang pick-up sa kahabaan ng pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Paragu, Tumauini, Isabela dakong alas-nuebe ng kaninang umaga.
Batay sa ulat ng PNP Tumauini,mabilis na binabagtas ng driver na kinilalang si Lauro De Leon y Malana, 57 y/o, may asawa at residente ng Centro, Solana ang nasabing lansangan ng mawalan ito ng kontrol sa pakurbang bahagi ng daan na dahilan upang bumaliktad at mahulog sa maisan ang naturang sasakyan.
Dahil dito ay nagtamo ng mga galos at mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan ang driver kasama ang mga kapwa empleyado nito na sina Ariel Talavera, 30 y/o, binata at Kate Paula Tolentino, 29 y/o, may asawa na kapwa residente naman Tuguegarao City, Cagayan.
Agad naman silang naisugod sa sa pinakamalapit na hospital sa lungsod ng Ilagan upang malapatan ng kaukulang lunas ang mga tinamong sugat ng mga biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang tinamong pinsala ng sasakyan na may plakang RP UVO-500 na pag aari ng DPWH region 2.
Sinasabing ang mga empleyado na sakay nito ay nakatakda sanang magsagawa ng inspeksyon sa mga proyektong pang imprastraktura ng kagawaran sa naturang bayan ng maganap ang aksidente.