
Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong lalaki na sangkot sa pamamaril at illegal possession of firearms sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Ayon sa ulat ng pulisya, naharang nila ang 30 taong gulang na lalaki na umalis sa lugar ng pinangyarihan nang duguan sa kanyang ulo at likod habang dala nito ang isang .45 calibre pistol na walang kaukulang dokumento.
Dahil sa kanyang kalagayan ay dinala ang nasabing lalaki sa ospital.
Ilang sandali pagkatapos nito, dalawang lalaki naman na may edad 64 at 42 taong gulang ang dumating sakay ng motorsiklo kung saan ang isa sa kanila ay nagtangkang tumakas.
Narekober naman sa kanila ang isang hi-capacity .45 caliber pistol, ammunition, bulletproof vest, at isang 18-inch na bolo.
Ayon sa nakasaksi, nagkaroon ng pagtatalo sa nasabing lugar kung saan sinaksak umano ng pinakamatandang suspek ang nasabing sugatang lalaki na kumuha naman ng baril at nagpaputok ng ilang beses.
Ang tatlong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa kasong attempted homicide, attempted murder, at paglabag sa RA 10591.










