Nasagip ng mga tauhan ng Littoral Mission Ship Bongao ng Philippine Navy ang pitong Malaysian at tatlong Pilipino sa magkahiwalay na lugar sa karagatan ng Tawi-Tawi nitong Sabado.
Ayon kay Brig. Gen. Romeo Racadio, Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, walo sa sampung naligtas na indibidwal ay mula sa MV Belait Surita na nanggaling sa Sandakan, Malaysia patungo ng Talabtab, Malaysia kung saan nakaranas ng pipe explosion ang sinasakyan nilang barko.
Habang ang dalawa pang nailigtas na mga Pilipino ay sakay ng bangka na nagka-aberya dahil sa sama ng panahon, habang patungo ng Bongao, Tawi-Tawi, mula sa Tahaw Island, Tawi-Tawi.
Sinabi ni Gen. Racadio na unang naligtas ang apat na indibidwal na sakay ng isang life raft na natagpuan sa karagatan ng isang Liberia-flagged bulk carrier na Falcon Triumph.
Kasunod namang nailigtas ang anim pang indibidwal na nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Panama-flagged tanker vessel na High Adventure, malapit sa unang lokasyon.