Nakilala ang mga suspek na sina Mack Jay Dela Cruz Venturina, 28 taong gulang, construction worker, Pee Jay Dela Cruz Venturina, 34 taong gulang, dating empleyado ng J&T Express, parehong residente ng Abra, Santiago City at Randy Ignacio Andres, 46 taong gulang, construction worker at residente naman ng Diffun, Quirino.
Batay sa ulat ng PNP Santiago City, bandang alas 6:00 ng gabi nitong Lunes, Enero 10, 2022, nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya mula sa isang indibidwal na natukoy nito ang mga holdaper na nasapul ng CCTV camera noong ika-5 ng Enero 2022.
Nang matanggap ang naturang impormasyon mula sa confidential informant, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang City Intelligence Unit Santiago City Police Office, Police Station 1 at Police Station 2 na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng mga suspek nitong ika-11 ng Enero taong kasalukuyan sa Purok 5, Barangay Abra, Santiago City at Purok 6, San Isidro, Diffun, Quirino.
Narekober naman mula sa pag-iingat ng tatlong suspek ang tinatayang nagkakahalaga ng Php120,000.00 na cash at mga appliances na binili ng mga suspek gamit ang kanilang tinangay na pera.
Nakumpiska naman mula kay Randy Andres ang isang 9mm pistol na may lamang limang (5) bala, isang granada.
Nakuhanan rin ng mga otoridad si Peejay Venturina ng isang replica ng Caliber 45 na baril at isa pang Granada.
Dinala at pansamantalang nasa kustodiya ng Presinto Uno ang tatlong suspek at sila’y mahaharap ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9516 at paglabag sa Omnibus Election Code in relation to COMELEC Resolution No 10728.