4 KATAO SA CAGAYAN, PATAY MATAPOS BUMANGGA AT MASUNOG ANG SINASAKYANG KOTSE

Cauayan City, Isabela- Patay ang apat na sakay ng kotse matapos bumangga sa poste ng street lights at tinupok ng apoy ang sinasakyan sa Brgy Anquiray, Amulung, Cagayan.

Halos hindi makilala ang mga biktima na sakay ng kotse na minaneho ni Nicole Molina, negosyante, residente ng Brgy Centro at ang tatlong (3) tauhan nito na sina Oliver Taganna, Jr, Benjie Pascual; at Michael Indita, pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Brgy Estefania ng naturang bayan.

Sa imbestigasyon ng Amulung Police Station, nakilala lamang ang apat na mga biktima base sa kuha ng CCTV Camera nang sila ay sumakay at umupo sa loob ng sasakyan bago sila umuwi.

Inihatid ni Molina ang kanyang mga tauhan at nang sila’y makarating sa pinangyarihan ng insidente, biglang bumangga ang kotse sa poste ng ilaw hanggang sa dumiretso sa puno ng Acacia.

Nag-spark umano ang wire at sumabit sa sasakyan hanggang sa tuluyang nasunog ang kotse kasama ang mga sakay na biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring trahedya.

Facebook Comments