Saturday, March 7, 2026

4 na menor de edad kabilang ang 5 araw na sanggol, nasagip ng PNP-WCPC sa Laguna; mag-asawang nagbebenta ng sanggol, arestado

Nasagip ng mga tauhan ng Women and Children Protection Center (WCPC), kasama ang City Social Welfare and Development Office, at sa koordinasyon ng San Pedro Component City Police Station, ang apat na menor de edad kabilang ang isang limang araw na sanggol sa San Pedro, Laguna.

Mismong mga magulang ng tatlo sa mga menor de edad ang naaresto ng mga awtoridad matapos ang isinagawang entrapment at rescue operation.

Tinagurian namang “baby locator” ang naarestong mag-asawa dahil sila ang nagsisilbing katransaksyon ng mga parokyano at mga nagbebenta ng sanggol online o, sa madaling salita, ay middleman.

Iniaalok umano ng mga suspek ang mga sanggol mula sa Pangasinan at Laguna, kabilang na ang nasagip na limang araw na sanggol na ibinebenta nila sa halagang P35,000, bukod pa sa P35,000 na ibinibigay sa tunay na ina ng nasabing sanggol.

Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Samantala, ang mga nasagip na menor de edad ay nasa kustodiya na ng mga social worker.

Facebook Comments