4 na pulis na sangkot sa pagpatay kay Barayuga, sinibak na —PNP

Sinibak na sa puwesto ang apat na pulis na iniuugnay sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga noong 2020.

 

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, kabilang sa tinanggal sina Police Lt. Col. Santi Mendoza at Police Col. Hector Grijaldo Jr. na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group (PNPDEG).

 

Gayundin sina Police Col. Roland Villela, na sinasabing tumanggap ng pera mula kay dating PCSO General Manager Royina Garma at si Police Senior Master Sergeant Jeremy Causapin na umano’y nagbigay ng ₱300,000 kay Nelson Mariano.


 

Si Mariano ang asset ni Mendoza na siyang nag-hire ng gunman sa pagpatay kay Barayuga.

 

Matatandaang sa pagdinig ng House Quad Committee ukol sa extrajudicial killings, itinuro ni Mendoza si Garma at si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo na utak sa pagpapapatay kay Barayuga.

 

Nakasailalim na sa retrictive custody ng PNP sina Mendoza, Grijaldo at Villela habang hinahanap pa si Causapin na napabalitang nag-resign na.

Facebook Comments