
Nadakip na ang apat na suspek sa pagpatay at pagsunog sa dalawang indibidwal na natagpuan sa Peñaranda, Nueva Ecija.
Isa sa mga nahuli ay ang pangunahing suspek na isang babae habang ang 3 ay itinuturing na accessories sa krimen, sila ang live-in partner ng babaeng suspek, security at driver nito.
Sila ay nadakip ng mga awtoridad sa Mallig, Isabela.
Ayon sa OIC ng Peñaranda Municipal Police Station na si Captain Vincent Taylor, bukod sa 4 na nahuling suspek ay may 2 pang pinaghahanap ang mga awtoridad ngayon, sila ang driver ng tricycle at ang gunman.
Kaugnay nito, ayon sa isiniwalat ng isang witness, kinontrata umano siya ng babaeng suspek para ipag-drive papuntang Laoag at dito na siya sinabihan ng suspek na umuwi na papuntang Nueva Ecija.
Nang malaman ang nangyaring krimen ay agad rin namang ni-report ito ng nasabing witness sa pulisya.
Nabatid na ang tinitingnang motibo sa pagpaslang ay ang utang ng pangunahing suspek sa babaeng biktima.
Sa ngayon ang apat na suspek ay nasa kustodiya ng Peñaranda MPS kung saan nagpapatuloy ang ginagawang preparasyon para sa pagpa-file ng kasong kriminal.










