400 Residente, Nagkasa ng Peace Rally laban sa CPP-NPA

Cauayan City, Isabela-Aabot sa higit kumulang 400 residente ang nagkaisa sa isinagawang Peace Rally na layong itakwil ang mga miyembro ng rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Abariongan Uneg, Sto Niño, Cagayan.

Ito ay upang ipakita sa mga rebeldeng grupo ang pagkondena sa umano’y kalupitan at pang-aabuso ng mga ito sa taumbayan.

Pinangunahan ni Brgy. Captain Erwin Oli ang panunumpa sa katapatan ng Pilipinas kung saan sabay-sabay na lumagda ang mga ito sa isang manipesto ng kanilang pagtutol sa itinuturing na terorista maging sa mga progresibong organisasyon na konektado sa mga ito.


Hinimok ni Kapitan Oli ang kanyang mga nasasakupan na suportahan ang mga inilalatag na programa at mga proyekto ng pamahalaan dahil para aniya ito sa ikabubuti ng lahat at upang higit na matamasa ang pag-unlad ng bawat komunidad.

Samantala, inihayag naman ni Lt.Col Angelo Saguiguit, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion ang kanyang kagalakan sa tapang na ipinamalas ng mga residente na itakwil ang rebeldeng grupo sa ikinasang Rally.

Kaugnay nito, pinagsusunog ng mga residente ang bandila ng teroristang grupo na sumisimbolo rin ng kanilang pagtalikod sa umano’y marahas na hatid ng rebelde.

Facebook Comments