
Matapos ang pahayag kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) patungkol sa pagpapaigting na gawing ligtas ang mga kalye sa buong bansa ay nakapagtala agad ng nasa kabuuang 437 na mga indibidwal ang nahuli ng mga operatiba ng Quezon City Police District.
Isinagawa kahapon ng gabi ang Oplan Bulabog/Galugad operations sa kahabaan ng Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City at sa 15 pang ibang lugar sa nasabing lungsod.
Umabot sa 60 na indibidwal ang nahuli matapos ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar at kalsada habang 33 indibidwal naman ang nahuli matapos mag-videoke ng lagpas ng 10 ng gabi.
213 naman ang nahuli para sa paghuhubad sa mga pampublikong lugar at 131 na mga menor de edad naman ang nahuli matapos lumabag sa curfew hours.
Samantala, nasa kabuuang 398 na indibidwal naman ang nabigyan ng citation tickets para sa traffic violations at city ordinance violations na may inaasahang makakakolekta ng nasa 437 libong piso.
Kung saan ang lahat ng mga lumabag ay inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts (OVR) on-site.










