Patuloy na tinutugis ngayon ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang babaeng nagbubugaw online ng kaniyang mga biktima sa pamamagitan ng pag-aalok online ng masahe.
Ayon kay PNP ACG Spokesperson Lt. Wallen Arancillo, nasagip nila ang limang babae na ginagamit sa online prostitution na ang front ay nag-aalok sa social media ng lehitimong masahe.
Aniya ang mga nasagip na babae ay nasa edad 20 hanggang 29 anyos matapos ang isinagawang entrapment operation sa isang motel sa Quezon City.
Isang alyas Princess na siyang facilitator, ang nagpo-post sa Facebook at nag-a-advertise ng masahe sa halagang ₱3,000 at naka-post din ang itsura ng mga masahista.
Sa imbestigasyon ng PNP ACG lumalabas na front lang ni alyas Princess ang masahe at nag-o-offer din ito ng extra service sa halagang ₱8,000.
Ayon naman sa mga biktima, sa kada ₱3,000 na masahe lang ay binibigyan lamang sila ni Princess ng ₱300 at habang sa ₱8,000 na may extra service ay ₱3,000 lamang ang kanilang nakukuha.
Sinabi ni Arancillo na hindi sila titigil hangga’t hindi naaaresto ang suspek na mahaharap sa patong patong na kaso tulad ng Cybercrime Prevention Act of 2012.