5 Katao, Dinakip sa Pagbebenta ng Pekeng Titulo ng Lupa

Cauayan City, Isabela- Arestado ang limang (5) indibidwal sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) region 02 dahil sa pagbebenta ng pekeng titulo ng lupa.

Ang suspek na si Billy Ibarra Sistoza, 64 taong gulang ay agad na dinakip matapos mahuling gumamit ng pekeng titulo ng lupa at ibinenta ito sa bayan ng Santa Ana sa Cagayan.

Kasama sa mga inaresto sina Reynaldo Martinez Delelis, Leilanie Torida Mirafuente, Orlando Penaflor Alariao at Jun Dela Rosa Tablac.


Una rito, nagpakilala si Sistoza bilang si Heriberto Remudaro at ibinenta ang apat na parcel ng lupa sa halagang P6.5 milyong piso sa biktimang si Cyrelle Lozada.

Nakapagbigay na rin ang biktima ng P1.5 milyong piso bilang inisyal na bayad nito sa lupa bago nito ipinaberipika sa Land Registration Authority ang deed of registration nito.

Subalit nabatid na patay na pala ang taong nakalagay sa titulo at may nagmamay-ari na sa lupang nabili nito.

Agad na nagsumbong sa NBI si Lozada at napag alamang modus na pala ito ng grupo ni Sistoza at una nang nahuli sa pagtitinda ng pekeng gold-bar at mga lote noong taong 2018.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 of the Revised Penal Code in relation to Presidential Decree 1689 o Syndicated Estafa ang mga suspek na nasa kustodiya ng NBI Region 02.

Nanawagan naman si RD Gelacio Bongngat sa publiko na maging maingat sa pakikipag transaksyon dahil talamak na aniya ang iba’t-ibang uri ng scam sa rehiyon.

Facebook Comments