Cauayan City, Isabela- Arestado ang 5 katao matapos matiklo sa pagpupuslit ng mga iligal na kahoy sa Brgy. Centro 2, Angadanan, Isabela.
Kinilala ang mga nadakip na sina Rizal Acacio, 32 anyos, Raymart Monte, 25 anyos, Alex Apolinada, 49 anyos, Freddie Baniked, 43 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Narra, Echague, Isabela at Rolly Baccay, 28 anyos, residente naman ng Brgy. Mabbayad, Echague, Isabela.
Dakong alas 8:05 kagabi habang nagpapatrolya ang kapulisan sa lugar ay namataan ang isang rumaragasang Van patungong poblacion ng Angadanan kaya’t agad itong hinarang.
Nakita sa loob ng sasakyan na mayroon itong kargang mga kahoy na tinatayang nasa mahigit kumulang 250 boardfeet ng Narra at nang hingan ng kaukulang dokumento ang mga suspek ay bigo ang mga ito na magprisenta na nagresulta sa kanilang pagkakahuli.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Code of the Philippines ang mga suspek.