Cauayan City, Isabela- Patuloy ngayon ang malawakang pagsasagawa ng contact tracing sa posibleng nakasalamuha ng isang opisyal ng barangay Villa Concepcion at kanyang 5 miyembro ng pamilya matapos magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Kapitan Soledad Quijano, mas lalong naghigpit ngayon ang kanilang lugar matapos ang pagkadagdag ng kumpirmadong kaso ng virus lalo pa’t malaking epekto ito sa kaniyang mga kabarangay.
Kinabibilangan ito ng ama at ina ng opisyal maging ang kanyang 2 anak at asawa na nagpositibo sa sakit.
Lumabas ngayong araw ang positibong resulta ng swab test ng kanyang pamilya kung kaya’t agad na dinala ang mga ito sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Una nang isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Barangay Villa Concepcion sa Lungsod ng Cauayan matapos makapagtala ng positibong kaso ng COVID-19.
Inaasahan naman bukas na isasailalim din sa swab test ang iba pang nakasalamuha ng mga nagpositibong pasyente gaya nalang ng kanilang mismong kapitan ng barangay.