50 Barangay mula sa 25 na Bayan sa Region 2, Apektado na ng African Swine Fever

*Cauayan City, Isabela*- Umakyat na sa 25 Bayan sa buong Lambak ng Cagayan ang apektado ng African Swine Fever.

Batay sa datos ng Department of Agriculture Region 2, sa bilang na 686 patay na baboy sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero 2020 ay bumaba ito kumpara sa 122 na kaso ngayon habang 82 porsyento ang ibinaba ng naturang sakit.

Ayon sa pahayag ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), ilan sa mga rason kung bakit bumaba ang mortality rate ay dahil sa pinalawak na pagpapatupad ng quarantine checkpoints at mahigpit na pagbabantay sa mga apektado ng ASF.


Dagdag sa datos, 50 barangay ang apektado, 1,535 ang namatay dahil sa sakit ng baboy habang 2,333 ang isinailalim sa culling.

Sa Isabela, apektado ang 16 Bayan na kinabibilangan ng Quezon, Aurora,Cordon, San Manuel, Gamu, Roxas, Mallig, Quirino, Jones, Echague, Luna, San Isidro, San Guillermo, Reina Mercedes, San Pablo, at Ramon.

Samantala, nakapagtala ang Cagayan ng 7 bayan na apektado gaya ng Tuguegarao City, Solana, Amulung, Allacapan, Iguig, Baggao, at Lallo.

Sa kabila nito, inaasahang magdedeklara ang Lungsod ng Tuguegarao na ASF Free zone matapos ang huling tala ng kaso noong nakaraang Nobyembre 2019 at wala ng naidagdag pa hanggang ngayon.

Apektado rin ang Bayan ng Bayombong sa Nueva Vizcaya at Bayan ng Saguday sa Quirino.

Una ng humingi ng tulong ang DA-RFO2 sa DA Central Office para sa mga higit na naapektuhan ng nasabing sakit ng baboy na umaabot sa P4.7 milyon.

Facebook Comments