Thursday, May 21, 2026

500 BENEPISYARYO, LUMAHOK SA CLIMATE-RESILIENT FARMING PROGRAM SA SAN CARLOS CITY

Nasa 500 benepisyaryo ang nakibahagi sa pagpapatuloy ng Project LAWA at BINHI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong palakasin ang kahandaan ng mga komunidad laban sa epekto ng climate change at mapabuti ang seguridad sa pagkain.

Isinagawa nitong Mayo 20 ang ika-19 na araw ng pagsasanay sa ilalim ng programa kung saan lumahok ang mga miyembro ng Rural Improvement Club (RIC), mga magsasaka, persons with disabilities (PWDs), at mga solo parent bilang bahagi ng cash-for-work initiative.

Nakatuon ang Project LAWA at BINHI o Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished sa paggamit ng Nature-Based Solutions (NbS) upang makatulong sa pangangalaga ng likas na yaman habang pinatatatag ang produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga komunidad.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pagtatanim ng mga gulay gaya ng talong, kamatis, okra, at iba pang pananim bilang bahagi ng pagsusulong ng sustainable farming at food security initiatives sa lungsod.

Ayon sa mga tagapagpatupad ng programa, layunin nitong mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga benepisyaryo sa mga programang pangkalikasan at pangkabuhayan na makatutulong sa pagharap sa mga hamong dulot ng pagbabago ng klima. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments