
Natukoy na ng pamahalaan ang kinaroroonan ng mga Pilipinong nalinlang sa alok na trabaho sa Russia ngunit kalauna’y napasama sa operasyon ng militar sa gitna ng giyera sa Ukraine.
Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad kumilos ang mga kinauukulang ahensya upang matulungan ang mga Pilipino.
Ayon kay Castro, hindi muna isisiwalat ang eksaktong lokasyon ng grupo dahil sensitibo ang isinasagawang operasyon para sa kanilang pagsagip.
Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang koordinasyon kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), at National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi rin ni Castro na nagsagawa na ang pamahalaan ng mga offloading at entrapment operation upang mapigilan ang pagbiyahe ng mga Pilipinong posibleng mabiktima ng ilegal na recruitment.
Limang indibidwal na rin umano ang sinampahan ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) dahil sa pagre-recruit ng mga Pilipino para sa gawaing militar.










