
Ginawaran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region 1 ng pinakamataas na “Ideal” rating ang Dagupan City matapos itong makapagtala ng perpektong 100 porsiyentong marka sa 2026 Local Council for the Protection of Children (LCPC) Functionality Audit.
Batay sa isinagawang evaluation, kinilala ang mga programa at polisiya ng lungsod na nakatuon sa pagsusulong ng kaligtasan, kapakanan, at karapatan ng mga bata sa iba’t ibang komunidad.
Isa sa mga binigyang-pansin sa audit ang pagpapatuloy ng SAFEnet o Secure and Abuse Free Environment program, na layong palakasin ang kampanya kontra bullying, pang-aabuso, karahasan, at iba pang suliraning nakaaapekto sa mental health ng mga kabataan at pamilya.
Kabilang din sa mga naging batayan ng mataas na marka ang pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, mga programang pang-edukasyon, youth development initiatives, at community-based child protection efforts ng lungsod.
Nakipagtulungan din ang iba’t ibang sektor tulad ng mga paaralan, barangay, youth groups, health workers, law enforcement agencies, at partner organizations upang maisakatuparan ang mga programang may kaugnayan sa proteksiyon ng kabataan.
Ayon sa ulat, ipinapakita ng pagkilalang ito ang patuloy na pagpapaigting ng mga hakbang upang mapanatili ang ligtas at suportadong kapaligiran para sa mga batang residente ng Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










