Cauayan City, Isabela-Idedeploy ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kabuuang 500 contact tracers sa lalawigan ng Isabela para sa isasagawang contact tracing may kaugnayan sa COVID-19.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, kasalukuyan pa rin ang kanilang ginagawang pagsasanay at inaasahang anumang araw ay masisimulan na ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga lugar na tumaas ang bilang ng mga COVID-19 cases.
Inatasan naman ng DILG-Isabela ang lahat ng BHERT na imonitor ang implementasyon ng health protocol katuwang ang kapulisan para sa mas maayos na pagpapatupad nito.
Sa kabila nito, nagpalabas ng kautusan ang Isabela Provincial Health Office (IPHO) para sa maayos na monitoring at koordinasyon sa lahat ng mga uuwing kababayan mula sa labas ng probinsya.
Samantala, nasa 300 Locally Stranded Individuals (LSI) ang mabibigyan ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.