Naturukan na ng booster shot ang 591 medical frontliners ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City kaugnay sa pagsisimula ng PNP ng kanilang vaccine booster rollout kahapon.
Sa bilang na ito, 178 ay mga Police Commissioned Officer (PCO), 309 ang Police Non-Commissioned Officer (PNCO), 99 ang Non Uniformed Personnel (NUP) at limang sibilyan.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, itutuloy ngayong araw ang pagbibigay ng Pfizer vaccine booster shot sa kanilang mga medical worker para makumpleto ang 666 doses na ibinigay na alokasyon ng Department of Health (DOH) sa PNP.
Nagpasalamat naman si Lt. Gen. Vera Cruz sa DOH na nabigyan ng alokasyon ang kanilang mga medical frontliner para sa kanilang booster shot.
Aniya, malaking bagay para sa kanilang medical workers ang mabigyan ng booster shot dahil paghahanda na rin ito sakaling magkaroon muli ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa lalo at nagsimula ng magbukas ang ekonomiya at ang nalalapit na holiday season.
Inihahanda na rin ng PNP na humiling ng dagdag na alokasyon sa DOH para mabigyan din ng booster shot ang iba pang miyembro at opisyal ng PNP.