Cauayan City, Isabela- Kinikilala ng pamunuan ng 5th Infantry Star Division Philippine Army ang ambag sa lipunan ng mga manggagawang Pilipino lalo na sa kanilang sipag at tiyaga sa pagtugon sa nararanasang krisis dahil sa coronavirus disease (COVID-19) ngayong ipinagdiriwang ang ‘Labor Day’.
Saludo rin ang kasundaluhan sa iba pang frontliners, LGUs maging ang mga hanay ng medikal na patuloy na nagbibigay ng tulong para labanan ang pandemyang nararanasan ng bansa.
Bilang pakikiisa sa paglaban sa COVID-19, katuwang ang kasundaluhan sa pagbibigay ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief upang maipamahagi sa mga pamilya na nasa low-lying areas sa kabila ng banta ng nakamamatay na sakit.
Nag-ambag din ang hukbong sandatahang lakas ng kani-kanilang sahod upang ipandagdag sa programa ng gobyerno.
Samantala, namahagi din ang mga ito ng tulong sa ilalim ng kanilang programa na ‘Kapwa ko, Sagot ko’ bilang paraan ng pagtulong sa pwersa ng kasundaluhan.
Sa katunayan, nabiyayaan din ng tulong ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Intergation Program (E-CLIP) ng Pamahalaan.
Hinikayat naman ng kasundaluhan ang mga rebeldeng grupo na balakid sa pagsasagawa ng relief operations sa mga apektadong pamilya na makipagtulungan nalang upang labanan ang virus na kumitil ng maraming buhay sa bansa.