*Cauayan City, Isabela*- Pinabulaanan ng pamunuan ng 5th Civil Military Operations Battalion ang impormasyong pwersahang pagpapaalis ng kanilang hanay sa mga raliyistang ‘Dangayan iti Mannalon’ na sumugod sa harap ng kanilang tanggapan.
Ayon kay Col. Camilo Sadam, Commander ng CMO Battalion, walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon na pinaalis nila ang mga raliyista na nagmula pa sa Probinsya ng Cagayan para ipanawagan ang isyu ng pagkamatay ng kanilang kasamahan maging ang usapin ng kapayapaan.
Sinabi pa ni Commander Sadam na hinayaan nilang magdaos ng programa ang grupo ng raliyista sa mismong harap ng kanilang tanggapan at walang katotohahanang itinaboy ang grupo.
Kaugnay nito, mahigit kumulang 30 hanggang 40 katao o tinatayang nasa tatlong pampasaherong jeep ang sinakyan ng mga grupo.
Ayon pa sa pamunuan ng CMO, pawang mga nakamaskara ang mga ito na may nakaukit na salitang ‘Justice’ para ipabatid kay Pangulong Duterte ang kanilang saloobin.
Handa naman umano ang pamunuan ng CMO para ipabatid ang usapin tungkol sa kapayapaan na hangad ng pamahalaan para sa lahat.
Photo Credit: Northern Dispatch