Dapat munang mabakunahan ng COVID-19 booster vaccine ang 70% ng populasyon ng Pilipinas bago ikunsidera ang optional na pagsusuot ng face mask.
Ito ang inihayag ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin, matapos ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maaari lamang maging optional ang pagsusuot ng face mask kung maging matagumpay ang booster vaccination ng bansa.
Ayon kay Garin, nagbago na ang kahulugan ng “fully immunized” na indibidwal dahil na rin sa pagsulpot ng variant at subvariant ng COVID-19.
Ngayon aniya, bago maikunsiderang “fully immunized” ay kailangang naturukan ng primary dose ng COVID-19 at isang booster shot.
Sa ngayon, batay sa datos na sa 15 million pa lamang ng mga Pilipino ang nabigyan ng unang booster dose ng COVID-19 vaccine at na sa 1 million ang naturukan na ng ikalawang dose ng booster shot.
Hiling ng kongresista sa Department of Health (DOH) na palakasin pa ang information dissemination at pagpapaunawa sa publiko kaugnay sa kung sino ang maaaring maituring na “fully immunized individual”.