Inihain ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang House Bill 5267 o panukala na layuning itaas ng hanggang 75% ang minimum monthly base pay ng mga government nurses.
Target ng panukala ni Rillo na amyendahan ang kasalukuyang Philippine Nursing Law kung saan nakapako sa Salary Grade 15 o katumbas ng P36,619 ang monthly base pay ng mga pampublikong nurse.
Kapag naisabatas ang panukala ni Rillo ay aangat sa Salary Grade 21 o P63,997 ang buwanang sahod ng mga government nurses.
Umaasa si Rillo na sa pamamagitan ng kaniyang panukala ay marami ang mahihikayat na kumuha ng kursong Nursing habang mapipigilan din ang pangingibang-bansa ng mga Filipino nurses.
Tinukoy ni Rillo ang sinabi ng World Health Organization (WHO), na kung hindi matutugunan ang shortage ng nurse sa Pilipinas, ay maaaring umabot sa 249,843 ang kakulangan ng nurse sa bansa pagsapit ng 2023.