87 counts ng money laundering, inihain ng AMLC kina Alice Guo at 35 pang indibidwal na may kinalaman sa iligal na POGO

Nasa halos 90 counts ng money laundering ang inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa sinibak na si Bamban Mayor Alice Guo.

Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni AMLC Investigating and Enforcement Department Deputy Director Adrian Arpon na kasama ni Guo sa 36 na respondents ang kapatid na sina Sheila Guo, Cassandra Li Ong at Dennis Cunanan na sinampahan ng 87 counts ng money laundering.

Ayon sa AMLC, una pa lamang ito sa serye ng kanilang mga kasong money laundering na isasampa sa mga sangkot sa iligal na operasyon ng POGO.


Iginiit naman ng Department of Justice (DOJ) na kinasuhan din ang negosyanteng si Ong dahil matibay ang ebidensiyang nag-uugnay sa operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.

Naniniwala aniya ang AMLC na si Alice Guo ang nag-finance o pumondo sa mga POGO kaya siya iniuugnay ngayon sa money laundering.

Samantala, sinabi naman ni DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty ng Inter-Agency Council Against Trafficking na nasa Jakarta, Indonesia pa rin ang dating alkalde.

Ayon naman kay DOJ Usec. Hermogenes Andres, nakalabas na ang blue notice laban kay Guo at hinihintay naman ang paglalabas ng korte ng warrant of arrest para maglabas ng red notice sa Interpol laban sa alkalde.

Facebook Comments