Kinilala ang mga nasawi na pawang mga “Agta” na sina Aladin Oñate, Calrita Maganay, Duarte Oñate, Eric Oñate, May ann Martinez, Rosita Martinez, Charie Oñate, pawang mga nasa hustong gulang, Jeric Oñate, 10-taong gulang at ang 3 buwang gulang na si Elisa Martinez na pawang mga residente sa nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Gilbert Columna, Deputy Chief of Police ng PNP Lal-lo, bandang alas 9:30 kagabi aniya nang maganap ang trahedya kung saan bago mangyari ang krimen, galing sa lamay at tumambay muna sa harap ng bahay na malapit sa gilid ng daan ang mga biktima.
Habang nakatambay ang mga biktima, bigla na lamang silang binangga ng puting van na minamaneho ni Dan Vincent Domingo, reservist ng AFP at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Ayon pa kay PLt Columna, matapos araruhin ng van ang mga biktima, dahil sa lakas ng impak, tinumbok rin ng sasakyan ang isang bahay at dumiretso sa garahe ng isa pang bahay at sumalpok sa nakaparadang tricycle at fortuner hanggang sa isa pang bahay.
Sinabi naman ng kasama ng suspek na sakay rin ng Van at isa rin reservist na si Allan Jay Parungao, 29-anyos, residente ng Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga, bigla na lamang umano silang natauhan nang sila’y bumangga sa mga biktima.
Nabatid na galing sa kampo ng 17th Infantry Battalion ang suspek at patungo sana sa Lalawigan ng Apayao.
Dinala at nagpapagaling naman ngayon sa isang ospital sa Tuguegarao City ang drayber ng Van matapos magtamo ng mga sugat sa katawan.
Samantala, magbibigay ng tulong ang PNP Lal-lo sa pamilya ng mga biktima na nasa isang morgue at pati na rin sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Kaugnay nito, kasalukuyan pa ang ginagawang imbestigasyon ng PNP Lal-lo hinggil sa nangyaring trahedya.