Lusot na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy.
Aantabayanan na lamang ang plenary approval sa ad interim appointment ni Uy ngayong hapon.
Sa deliberasyon ay ibinahagi ni Uy na pareho sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng adhikain para sa bansa pagdating sa teknolohiya at ito ay ang ‘digitalization’ ng buong bansa.
Ibinahagi rin ng kalihim na sa umpisa ng kaniyang pangangasiwa sa ahensya ay una niyang tinarget ang problema sa ‘connectivity’ lalo na sa mga kanayunan kung saan ilan na sa mga remote islands na kaniyang binisita sa Visayas at Mindanao ay nabigyan nila ng internet connection.
Tinutugunan na rin aniya ng ahensya ang e-governance kung saan magkakaroon na lamang ng ‘single transaction’ ang publiko sa gobyerno at hindi na kakailanganin ang paulit-ulit na pag-fill up ng mga dokumento na may pare-pareho namang impormasyong hinihingi.
Ilan pa sa mga isinasaayos ng ahensya ang pagpapalakas sa digital market, digital payment platforms, banking system para sa lahat ng mga Pilipino at pagpapalakas ng cybersecurity.
Sunod namang sasalang sa committee approval ng kanilang ad interim appointment sina Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual at Department of Energy (DOE) Sec. Raphael Lotilla at sakaling makalusot din sa komite ng CA ay ngayong hapon din aaprubahan sa plenaryo ang kanilang appointment.