Lusot na sa komite ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Sa pagsalang ni Gatchalian sa pagbusisi ng makapangyarihang CA, sinabi ng kalihim na mas sesentro ang ahensya sa mga development program na layong buwagin ang ‘cycle’ ng kahirapan.
Partikular na palalakasin ng DSWD ang 4Ps at mga livelihood programs sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), at KALAHI-CIDDS nang sa gayon ay matiyak na hindi na babalik sa kahirapan ang mga natutulungang beneficiaries.
Mag-i-invest din aniya ang ahensya sa mga programa para sa human capital, pagwawakas sa kagutuman, pagpapanumbalik ng dignidad sa social welfare at pag-digitalize sa mga proseso sa aplikasyon at pagkuha ng mga benepisyo.
Sinabi pa ni Gatchalian na ipagpapatuloy din ng DSWD ang social protection programs at palalawakin din ang mga programa para mas makahikayat ng maraming social workers.
Nabusisi naman ang kalihim ng mga myembro ng CA patungkol sa mga policy program at reform ng DSWD, ang status sa kaso nito sa Ombudsman tungkol sa housing cooperatives noong siya ay alkalde pa ng Valenzuela at iba pang plano ng ahensya at ang pagiging eligible bachelor nito.
Sunod namang isasalang mamaya sa plenaryo si Gatchalian para sa pinal na pagapruba sa ad interim appointment nito bilang kalihim ng DSWD.