Magsasagawa ngayong araw ang Commission on Elections o Comelec ng isang voter education seminar para sa Aeta community sa Barangay Camias, Porac, Pampanga.
Kaugnay ito ng pagpapatuloy ng voter’s registration mula sa August 1 hanggang September 30, 2019, para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang aktibidad ay bahagi ng Basic Election Education and Literacy Project ng poll body, na layong mahimok ang mga “vulnerable sectors” gaya ng mga indigenous peoples na maging bahagi ng halalan.
Kabilang sa mga ilalahad sa seminar ang kahalagahan ng pagpaparehistro ng mga botante.
Sinabi ni Jimenez na ang komunidad ng mga Aeta sa Porac ay hindi gaanong nabigyang-pansin noong panahong tumama ang malakas na lindol noong Abril.
Tiniyak naman ni Jimenez na sa panahon ng voters registration ay bibigyan ng espesyal na atensyon ang mga indigenous peoples tulad ng mga Aeta at indigenous cultural communities.