Cauayan City, Isabela – Idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na None Working Holiday ang darating na August 15, 2018 na nasa ilalim ng executive order, number 19 of 2018.
Ayon kay ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na nilagdaan kamakailan ni Governor Faustino “Bojie” Dy III ang pagdedeklara na walang pasok ang araw ng Miyerkules para sa lahat ng pribado at pampublikong opisina dito sa lalawigan ng Isabela.
Ipinaliwanag pa ni ginoong Santos na hindi umano araw ng pamamahinga ang August 15 kung saan ay magkakaroon umano ng temang Todas Dengue, Todo na Ito, Ika-limang Kagat!
Aniya nasa ika-limang taon nang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan ang malawakang paglilinis sa bawat buwan ng Agosto.
Layunin umano nito na mapuksa o malinis ang pinamumungaran o pina-ngingitlugan ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue o ang tinatawag na mosquito born-diseases.
Samantala nanawagan sa lahat si ginoong Romy Santos na makipagkaisa sa paglilinis upang maibsan ang bahay ng mga lamok na maaring nagdadala ng sakit na dengue.