Tuguegarao City, Cagayan – Mahigpit na kinundena ng pangrehiyong pamunuan ng Anakpawis ang malisyosong paninira ng Arm Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police sa rehiyon dos.
Sa ibinahaging pahayag sa RMN Cauayan ni Isabelo Adviento, Regional Coordinator ng Anakpawis na isang malisyosong pamamaraan o hakbangin ng AFP at PNP ang kumakalat na polyeto partikular sa buong Tuguegarao City.
Nakasaad sa naturang polyeto na ” Kailangang mag-ingat ang karamihan dahil may NPA na umaaligid at nagtatago sa sinasabing opisina ng Anakpawis sa San Gabriel, Tuguegarao City. Sila ay mga Sparu ng NPA, mga mamamatay tao at ang nagpapakilalang liderato ng Anakpawis na si Isabelo Adviento ay mga NPA o Teroristang Grupo.Nililinlang ang mga tao gamit ang nakuhang mga ayuda galing sa Department of Agriculture at DSWD”
Ayon kay Anakpawis Coordinator Adviento, ang Anakpawis ay isang lehitimong organisasyon ng magsasaka, manggagawa at maralita sa buong bansa. Rehistradong partylist sa kongreso kung saan naging kalihim ng Department of Agrarian Reform o DAR ang dating kinatawan nito na si Rafael Mariano at may sampung libong kasapi ito sa iba’t ibang bayan at probinsya sa rehiyon ng Cagayan Valley.
Ipinaliwanag pa ni Adviento na bukas sa mamamayan ang mga adhikain ng Anakpawis na tinatangkilik at isinusulong nito ang panawagan sa tunay na repormang agraryo at nanguna sa pagsasabatas sa libreng irigasyon at iba pang mga maka-mamamayang batas at panukala.
Iginiit ni Adviento na hindi terorista, “Sparu”, at NPA ang Anakpawis maging ang lider-magsasaka sa rehiyon. Ito umano ay isang bansag ng AFP, PNP at mga kasabwat na politiko bilang bahagi ng kampanyang bilipikasyon ng mga ito laban sa mga progresibo at makabayang organisasyon upang bigyang daan ang walang habas na pandarahas at paninira.
Ang mga tunay umano na terorista ay mga walang habas na pumapaslang, nanggigipit, dumudukot, nagsasampa ng mga gawa-gawang kaso at nanlilinlang ng mga lider at kasapian ng mga progresibo at makabayang organisasyon kung saan wala umanong iba na gumagawa nito kundi ang AFP at PNP sa ilalim ng programang Oplan Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte.